An old work

Title: Anghel sa Lupa
Word Count: ~650
A/N: Written for a subject several years back, pounded out in the hour before the class. No beta work. Never published anywhere as far as my memory goes. Given to Gracie-chan for her birthday last year. Made a few minor edits. It’s still bad.

———-

“Sa palagay mo kaya, kung taimtim akong hihiling sa Diyos, maibibigay Niya ang nais ko?”

Nagitla ako. Hindi ko inaasahan ang tanong na iyon. Nainis ako ‘pagka’t ayokong maistorbo ang aking pag-iisa. Luminga ako at nakita ang isang bata na ‘di man gusgusin, ay halata mo namang nakaranas na ng paghihirap.

Nasa Manila Bay ako no’n. Palakad-lakad. Walang direksyon, walang patutunguhan. Tatlong buwan na akong naghahanap ng trabaho. Tatlong buwan nang pumupunta sa mga panayam na wala namang ibinubungang trabaho. Ang maliit kong impok ay unti-unti ng naglalaho. Katulad ng pag-asa ko na parang bulaklak na nalalanta sa bawat araw na nagdaraan na ako’y walang makitang maaaring mapagkakitaan.

Pagod na ako.

Isa akong bisor noon sa pagawaan ng mga RTW na damit. Limang taon na akong doon namamasukan ng magsara ang pabrika na naging sanhi upang ako, sampu ng aking mga kasamahan, ay mawalan ng trabaho.

Heto nga ako ngayon. Tulala. Tuliro. Halos mabuang na sa kaiisip kung paano bubuhayin ang aking mag-ina. Kanina lang ay para akong nakalutang sa alapaap sa pag-aakalang tanggap na ako sa inaplayan kong posisyon. Laking paghihinagpis ko ng sa aki’y sabihin na iba ang pinagbigyan ng posisyon na iyon.

Ayoko na.

Sabi ng aking kabiyak, ako raw ay ‘wag mawalan ng pag-asa. Araw-araw, gabi-gabi kaming nag-aalay ng dasal na sana, sana ay matupad na ang aming kahilingan na ako’y makahanap na ng trabaho. Ngunit ano ang nangyari? Wala. Dumadalas na ang aming pagtatalo dahil sa nawawala ko ng tiwala sa Panginoon.

Nakaramdam ako ng mahinay na tapik. “Manong, sa palagay mo ba’y didinggin ng Diyos ang kahilingan ko?” Ah… Ang bata. Nalimutan ko siya sa gitna ng mga alaala.

Tumitig ako sa kulay-tsokolate niyang mga mata na puno ng kalungkutan. Nakita ko sa kanyang himpis na mukha ang sakit at kapagalan. Ngunit mababanaag mo rin doon ang determinasyon na lumaban sa hagupit ng kapalaran.

Gusto kong sabihin na, Hindi, hindi ka papakinggan ng Diyos dahil walang Diyos! ‘Wag ka ng umasa pa na tutlungan ka Niya. Subali’t di ko makayang dagdagan pa ang paghihirap na nakabakat na sa bata niyang mukha. Bagkus, iba ang nasambit ko.

“Kung talagang kailangan mo, sigurado, Kanyang pagbibigyan iyon.”

Walang ekspresyon na nagdaan sa mukha niya. Nanatili siyang nakatingala sa akin.

“Kailangang-kailangan ko iyon— pero ba’t hindi ko pa rin nakukuha ang dinarasal ko?”

Tumingin akong muli sa malayo, sa mga sasakyang pandagat na nakatigil sa laot. Inilagay ko ang baba ko sa aking palad, animo’y nag-iisip.

Nagbuga ako ng hangin. “Siguro, may humiling din ng katulad sa iyo, at sa taong iyon ibingay ang kahilingan.”

Kumunot ang noo niya. Ilang segundo ang lumipas bago siya uli nagsalita.

“Ibig bang sabihin no’n, pinabayaan na Niya ako?”

Umiling ako. “Hindi ibig sabihin no’n ay ‘di ka mahalaga sa paningin Niya. Marahil ay mas matindi ang pangangailangan ng taong iyon kaysa sa iyo. Darating din ang oras na hiling mo naman ang Kanyang pagbibigyan.”

Muli siyang natahimik. “Kung gayon, bat sinisisi mo ang Diyos sa pagkawala ng trabaho mo? Bakit nagagalit ka sa Kanya sa patuloy na kawalan mo ng mapapasukan?”

Hindi ako makapagsalita. Oo nga naman. Bakit ko sinasabi sa kanya ang mga gayong bagay kung ako mismo ay hindi iyon pinaniniwalaan? Hindi nga ako naging patas sa Kanya. Napakalaki ng kasalanan ko. Nawala ang pananalig ko at napalitan ng paninibugho.

“Tama ka… Tama ka nga. Ano nga’ng pangalan mo?” Nang muli akong lumingon ay wala na siya. Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid. Ako lamang ang nasa parteng iyon ng Manila Bay. Kahit saan ako tumingin ay ‘di ko na makita ang bata na nagbukas sa aking mga mata.

Yumuko ako at pumikit. At taimtim na nagdasal para sa kapatawaran. Pagkatapos ay tumalikod at naglakad palayo, sa aking mga labi ay ang munting ngiti na ‘di maipaliwanag. Uuwi ako ngayon sa aking pamilya na puno ng bagong pag-asa para sa kinabukasan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: